Pagkakakilanlan
- Sinag Publications

- Aug 22, 2021
- 2 min read
Isinulat ni Marcus Daryl Antonio

“Aanhin mo ang banyagang wika, kung ang sarili mong wika ay ‘di mo matalima.” Isang kasabihang madalas nating naririnig sa mga aktibidad ng paaralan. Mapupuna rito na kaya hindi umuunlad ang bansa dahil hindi tayo nagkakaisa. Iba't iba ang ginagamit na mga salita na siyang nagbubukod sa bawat isa. Magkakadugo at iisa ang pinagmulan ngunit hindi magkakakilala at magkaunawaan, hindi ba wika ang simbolo ng kapayapaan na siyang maghahatid sa tuwid na daan? Kailan kaya natin ito makakamtan?
Isa, dalawa, tatlo, hindi ito pagbibilang sa tagu-taguan, ito ay numero kung ilan ang nakasakop sa ating bansa. Espanya, Amerika, at Hapon, madugo at masalimuot na kahapon ang tanging papasok sa isipan ng karamihan. Pinagkait ang kalayaan, inalipusta ang ating mga kababayan, at binaboy ang sambayanan. Maging ang inang wika ay dinungisan ni hindi na nga makilala ng iilan.
Ilang daang taon na puno ng pangamba, pangamba na baka marami na namang mamatay na kapwa. Uhaw na uhaw sa kapayapaang maski sa ngayon ay hindi pa rin tuluyang nalalasap ng bawat isa. Sa kabilang banda, malaki ang impluwensyang dulot ng mga banyaga. Hindi maikakaila na mayroong bahid ng wika nila ang lumalabas sa ating mga bibig. Hindi masabi ang kaibahan ng mga salitang ginagamit kung ito ba ay sarili o hiram na wika, halimbawa na lamang ng upuan at silya, aklat at libro, at marami pang iba. Malabong mabilang sa daliri kung gaano karaming sakripisyo ang inilaan ng ating mga ninuno para makamtan ang mayroon tayo sa kasalukuyan.
Sa kabila ng ating mga pinagdaanan, pinatunayan lamang nito na walang makapagpapabago sa pagkakakilanlan natin bilang Pilipino kung hindi ang sarili rin natin mismo. Hindi ang mga mananakop, dayuhan, o banyaga ang dahilan upang tuluyang maglaho ang ating sariling wika at mga wikang katutubo. Nasa atin ang desisyon kung payayabungin natin ang ating kayamanan o patuloy na magpapaalipin at gagamitin ang wikang hindi naman sa atin.
Hindi lahat ng salitang Filipino ay mayroong katumbas na katutubong wika, pero ibahin natin ang kapayapaan, kaya itong bigkasin sa iba’t ibang paraan. Gaya na lamang ng kappia sa Ilokano, hidaet sa Hiligaynon, kalinaw naman sa Cebuano, at letang sa wikang Ri-guwak. Kaniya-kaniya man ang salin pero isa lamang ang ating hangarin, na sana maabot ng ating mga kamay ang minimithing kaayusan at katahimikan para sa sarili at kababayan.
Hindi masamang mag-aral ng wika ng iba, ang masama ay kapag tuluyang kinalimutan at pinabayaan ang wikang nagsilbing pagkakakilanlan ng ating lahi at bayan.



Comments