Kababaihan, Ika’y Maging Matatag!
- Sinag Publications

- Mar 30, 2023
- 2 min read
Liwanag ng Kababaihan: A Sinag Special Feature
Ang Pangalawa sa Tatlong Ulat
by: Sophia Vallar
Bilang pagpapatuloy sa natatanging tampok para sa buwan ng Kababaihan, nakapanayam namin ang dalawa sa ating mga pinakamamahal na guro, sina Ginang Luisa Ordoñez at isang guro sa Filipino, na nagpahayag ng kanilang mga kaisipan at saloobin tungkol sa pagiging isang babae
Sa Gampanin ng mga Kababaihan sa Lipunan
Ayon kay Gng. Luisa, ang gampanin ng kababaihan sa lipunan ay hindi lamang nalilimita sa pagiging ina ngunit maari rin sa pagiging isang “career woman.” Ang mga gawain dati na nakakonteksto lamang sa mga lalaki ay kaya na ring gawin ng mga kababaihan sa panahon ngayon. Bahagi ng gampanin ng isang babae sa ngayon ay ang pagbabalanse ng kaniyang tungkulin bilang isang ina at asawa, kasabay ang pagiging isang responsableng mamamayang Pilipino. Isang Pilipinong handang maging mabuting modelo na hindi nalilimitahan ang mga kakayahan dahil lamang siya ay isang babae. Ayon naman sa isa pang gurong nakapanayam, ang pinakamalaking gampanin ng mga kababaihan sa kasalukuyan ay ang pagiging matatag o matibay sa lahat ng oras, saanmang lugar, anumang sitwasyon, o pangyayaring kaniyang hinaharap. Tunay ngang ang mga kababaihan ay may kalakasang taglay sa kabila ng mga hamon nila sa buhay dagdag pa niya., Kanyang ring tinuran na ang pinakamalaking hamon ng mga kababaihan sa kasalukuyan, ay kung paano nila babalansehin ang kanilang tungkulin bilang isang babae kasabay ng mga mithiing gusto nilang makamit sa buhay; lalo na sa panahon ngayon na binibigyan na ng pantay na pagtanggap at pagkilala o pagtingin sa ating lipunan ang mga kababaihan.
Sa mga hamong hinaharap sa kasalukuyan
Ayon kay Gng. Luisa, ang pinakamahirap na hamon nila ay ang kabuuang pagtanggap na may mga gawain na ngayon na kaya na rin gawin ng mga kababaihan na hindi na lamang limitado para sa mga kalalakihan. Bukod pa dyan ay nagbigay din ang mga nakapanayam ng mga paraan upang mapalakas ang kumpyansa sa sarili lalo ang mga kababaihan at isa rito ay kung maaari, tiyakin ng mga kababaihan na maglaan pa rin ng oras para sa pagpapaunlad ng sarili sa kabila ng mga responsibilidad nila sa buhay – tulad ng pagiging isang ina, asawa, at kung ano pa. Lahat ng mga responsibilidad ay magagampanan lamang ng kababaihan ng tama kung hindi nila kalilimutan ang kanilang “personal growth”. Ang isa naman ay nagsabi na ang pagiging “empowered” ng isang babae ay may kalakip na “awareness” o kamalayan, na kung alam ng mga kababaihan ang gampanin nila at kung paano iyon gawin ng wasto ay tiyak na ikauunlad iyon ng kanilang mga sarili.
Bilang pangwakas ay nagbigay rin ang mga nakapanayam ng magandang payo para sa mga batang babae sa panahon ngayon at ang tanging maipapayo nila ay ‘wag madaliin ang pagiging babae dahil sa panahon ngayon, marami nang mga kababaihan na napaaga ang kanilang pagtanggap sa mga responsibilidad dahil nakakalimutan nilang bagtasin ang bawat hakbang sa pagkababae, at wag kakalimutan na ang edukasyon ay mahalaga at dapat na pinahahalagahan ng mga kababaihan. Panghuli, isinaad din na pagyamanin dapat ng mga kabataang babae ang kanilang mga kakayahan, mahalin ang kanilang mga sarili, at alamin ang kanilang lugar at tungkulin sa lipunan.




Comments