Kababaihan, Kailangan Kayo ng Bayan!
- Sinag Publications

- Mar 29, 2023
- 2 min read
Liwanag ng Kababaihan: A Sinag Special Feature
Ang Una sa Tatlong Ulat
by: Patricia Aurelio
Noong ika-14 ng Marso, aming nakapanayam sa Divine Light Academy ang mga estudyanteng sina Bianca Michaela F. Paiso mula sa Baitang labing-isa, pangkat Herschel at Bianca Bartolo mula sa Baitang labing-dalawa, pangkat Kepler. Sila ay sumagot ng apat na katanungan ukol sa gampanin ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon.
SA GAMPANIN NG KABABAIHAN
Bilang panimula, kanilang inihayag na malaki ang ginagampanan ng mga kababaihan sa pakikipaglaban ng kanilang mga karapatan. Iginiit ni Bianca Paiso na mayroong aktibong pakikilahok ang mga kababaihan sa mga organisasyon na nagsusulong ng mga karapatan at handanglabanan ang diskriminasyon. Dagdag pa niya, katulad ng mga kalalakihan, ipinapakita ng mga babae na may karapatan din silang magtrabaho, pati na rin ang kakayahan na magpatakbo ng sariling negosyo na siyang nagpapakita ng diskarte at determinasyon na magtagumpay. Ayon naman kay Bianca Bartolo, kabilang dito ang pagsuporta sa kapwa nila babae at ang katotohanang kayang gampanan ng mga babae ang kahit na anong responsibilidad.
Binigyang diin din ni Bianca Bartolo ang pagmamahal at ginhawang ibinibigay ng mga kababaihan. Kaugnay dito, binanggit ni Bianca Paiso ang gampanin ng isang ina, na ayon sa kanya ay “isang mahalagang tungkulin at nagbibigay ng malaking kahulugan sa buhay ng kababaihan.” Gayundin, binigyang pansin niya ang kakayahan ng mga babae na maging community leader at maglaan ng kanilang oras at kakayahan upang makatulong sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
SA PINAKAMAHALAGANG HAMON SA KASALUKUYAN
Binanggit ni Bianca Paiso ang “hindi pantay na pagtrato kumpara sa kalalakihan”. Dahil sa pag-iisip na mahina ang kababaihan, mayroong pa ring nakararanas ng masamang pagtrato. Kabilang dito ang diskriminasyon sa trabaho at maging sa pakikilahok sa politika, pati na rin ang pisikal at sekswal na pang-aabuso. Ayon sa kanya, ang hamong ito ay mas magtutulak para sa mga babae na ipaglaban ang kanilang karapatan at makakuha ng respeto na natatanggap nila. Para naman kay Bianca Bartolo, “diskriminasyon at hindi ligtas na kapaligiran”. Laganap pa rin ang “catcalling” o harassment, na siyang nagdudulot ng takot sa mga babae sa pananatili sa mga pampublikong lugar. Nagkakaroon din ng pagkukumpara sa mga kababaihan, na ayon sa kanya ay “may negatibong epekto ito sa kanilang kumpiyansa bilang mga babae.”
SA PAGPAPAIGTING NG KANILANG SARILI AT KAPWA BABAE
Ayon sa kanila, mapapaigting nila ang kanilang sarili at kapwa babae sa pamamagitan ng pagpanig sa isa’t isa, lalo na upang ipagtanggol ang mga naaapi. Nabanggit din ni Bianca Paiso na hihikayatin niya ang kanyang kapwa babae na “magtulungan hindi lang sa panahon ng kagipitan, kundi pati na rin sa panahon na masaya at walang problema. Ayon naman kay Bianca Bartolo, “huwag din ibaba ang kapwa-babae”. Karagdagan pa rito, binigyang pansin ni Bianca Paiso ang pagpapahayag ng mga opinyon na alam nilang tama, at pagpapakita naman ng galing ng kababaihan para kay Bianca Bartolo.
SA MAIPAPAYO NILA PARA SA MGA BATANG BABAE SA PANAHON NGAYON
Bilang pangwakas, tinuran ni Bianca Paiso na “Tandaan, hindi tayo babae lang, babae tayo”. Nabanggit niya ang kahalagahan ng pagpapahayag ng niloloob ng mga kababaihan, pagtayo sa sariling mga paa, at pagiging matatag sa kabila ng pagpapatahimik sa kababaihan. Sinabi naman ni Bianca Bartolo na dapat “mahalin ang pagiging babae”. Aniya “Ang pagiging babae ay isang malaking biyaya pagkat marami tayong kayang gawin at di dapat ito ikahiya. ”




Comments