top of page

Iisang Dagat

  • Writer: Sinag Publications
    Sinag Publications
  • Jan 29, 2021
  • 2 min read

ni Tiffany Elaine E. Carreon

Simula noong taong 2020, nagkaroon ng malaking pagbabago kung saan lahat tayo ay apektado. Dahil sa pagkalat ng isang nakamamatay na sakit ay napilitan tayong lahat na baguhin ang mga istilo ng ating mga pamumuhay - kasama na rito ang pamamaraan ng ating pag-aaral.


Lahat tayo ay nakararanas ng bagong pamamaraan ng pag-aaral. Ang iba ay itinuloy ang pag-aaral gamit ang online classes. Ang iba naman ay sa pamamagitan ng modules na ipapasa kada katapusan ng linggo. Subalit, kasabay ng pagbabagong ito ay mayroong panibagong pangamba na baka hindi natin kayang makipagsabayan sa iba.


Kahit magkakausap at magkakapiling lamang tayo ngayon dahil nakaharap tayo sa ating mga kompyuter, hindi mawawalan ng kahulugan ang mga sasabihin ko. Hindi man tayo magkakasama sa paraang pisikal pero para sa akin ay kasama ko kayo sa aking puso. Ang aking payo? Huwag kayong matakot at mangamba. Maaaring may nangunguna, maaaring may nahuhuli pero hindi iyon ang mahalaga. Mahalaga sa panahon ngayon na sumubok ka at matapos mo ang ginagawa mo sa sarili mong oras at panahon. Magkakaiba tayo. Iba't iba ang ating kapasidad, abilidad, at kaalaman kaya't wag kang mangamba kung sa tingin mong nauunahan ka. Hindi tayo pare-parehas. May iba na kinakailangang mahirapan at madurog muna upang maging diyamante. Ngunit, mayroon ding nagiging masarap na tinapay kapag hinayaan mo itong magpahinga. Mayroong kailangang mabaon sa lupa at makain ng kadiliman bago siya tumubo at bumunga. Sabi ko nga, magkakaiba tayo. Ang paraan niya ay hindi paraan mo. Ang nararanasan niya ay iba sa nararanasan mo.


Hanapin mo kung ano ang pamamaraan na nararapat para sa'yo at huwag mong hayaang diktahan ka ng ibang tao lalo na sa panahon ngayon na marami ang nahihirapan at naguguluhan. Alagaan mo ang sarili mo, kilalanin mo ang sarili mo, at tanggapin mo kung ano man ang nararamdaman mo. Gawin mo ang sa tingin mong kailangan mo dahil tayo ay magkakaiba - nasa iisang dagat ngunit nasa magkakaibang bangka.


Recent Posts

See All

Comments


bottom of page